Ang pag-ibig parang lotto lang
yan, marami sa atin ang gustong makakuha ng jackpot prize, ngunit iilan lang
ang nag tyatyagang pumila sa initan upang makakuha ng ticket. Marami sa atin
ang nagmamahal, ngunit wala namang ginagawang aksyon upang mahalin din sila.
Kasama na siguro sa kulturang Pilipino ang pag taya sa lotto. Marami kasi sa
atin ang gustong yumaman ng madalian, yun bang isang araw gigising ka nalang na
nakahiga ka na sa pera. Yun bang wala ka ng kailangang gawin sa buong araw
kundi isipin kung saan mo gagastusin yung salapi na iyong napanalunan.
Usong uso na ngayon ang mga bagay
na “instant”, nasanay na kasi tayo sa
mga pagkain o inumin na hindi kailangang pag laanan ng matagal na panahon upang
lutuiin o ihanda katulad nalang ng instant
noodles, instant ulam at marami pang
iba. Sa mga panahong oras ang kalaban, ang mga bagay na instant ang ating pakikinabangan. Ngunit, sa kabila ng convenience na naidudulot nito,
karamihan sa atin ay hindi alam ang masamang epekto ng mga bagay o pagkain na instant.
Kung pag-ibig naman ang
pag-uusapan, karamihan narin sa ating mga Pinoy ang may gusto ng instant love o instant partner yun bang
hindi mo na kailangan ligawan ng matagal, yung isang teks lang, kayo na agad,
yung isang tingin mo lang sa kanya ay sasagutin ka na. Namulat ako sa henerasyong pang madalian,
lahat ng bagay minamadali, para bang laging may nag iintay na taksi na
tumatakbo ang metro sa kakaintay sa labas ng pintuan kaya’t hindi mapakali at
basta basta nalang lalabas ng hindi pa handa o hindi pa alam ang kanyang
patutunguhan.
Unti unti na ring nawawala yung
kultura ng mga Pinoy na ligawan. Hindi na uso yung pupunta yung mga kalalakihan
sa tahanan ng kanilang sinisinta upang umakyat ng ligaw o mang harana. Sa
panahon kasi ngayon, sa kalsada nalang o minsan pa nga’y sa facebook nalang nagaganap ang ligawan at
sa youtube nalang nangayayari ang
pang haharana gamit ang mga kanta ng kung sinu-sinong iniidolong artista. Kung mahilig kayong manuod ng old
pinoy love films, masasaksihan nyo dun kung gaano kakulay at gaano kaganda ang
kultura ng panliligaw ng mga pinoy. Sayang naman at sa pelikula nalang
masasaksihan ng mga susunod pang henerasyon ang mga tradisyong Pilipino na
karapat dapat nating hangaan at muling bigyan ng pansin.
Sa pag aaral man, mahilig narin
ang mga estudyante sa bagay na instant. Instant
takdang aralin na kinukuha nalang sa kung anu-anong websayt na nag bibigay
ng sagot sa mga katanungan ng mga estudyante. Isang pindot lamang sa teklado ay
may mga katanungan na agad na masasagot sa kanilang mga takdang aralin. Copy and paste, isa sa mga pinaka gasgas na paraan kung paano gumagawa ng
mga takdang aralin ang mga estudyante. Bakit nga ba lotto ang titulo ng artikulo na ito, wala lang, instant title lang.
Modernisasyon at teknolohiya. Yan
siguro ang dalawa sa mga pangunahing dahilan sa mga pag babago. Dahil din dyan,
marami narin tayong gawain na napadali, ngunit sa kabilang banda marami narin
tayong mga bagay ang naisantabi at nasira. Mga bagay na hindi na bigyan ng
wastong panahon at pang unawa. Ngunit hindi pa huli ang lahat, habang tayo’y
nabubuhay may panahon pa upang mag bago at itama ang ating mga pag kakamali.